Lubhang Kagalang-galang Ruperto Santos, Obispo ng Antipolo; Lubhang Kagalang-galang Nolly Buco, Katuwang na Obispo ng Antipolo; Lubhang Kagalang-galang Francis de Leon, Obispo Emerito ng Antipolo; Reberendo Padre Pedrito Noel Rabonza, butihing kura paroko at rektor ng Basilika Menor ni San Juan Bautista dito sa Taytay; mga kapatid kong obispo, mga paring nakikipagdiwang, diyakono, relihiyoso at relihiyosa; Kagalang-galang na Nina Ynares, punong-lalawigan ng Rizal; Kagalang-galang na Allan Martine de Leon, punong-bayan ng Taytay; mga lingkod bayan at pinuno sa pamahalaan; mga minamahal kong kapatid kay Kristo at kadeboto kay San Juan Bautista:
Purihin natin ang Panginoon sa masayang biyaya ng araw na ito. Salamat sa biyaya ng malalim na pananampalataya sa Diyos at debosyon kay San Juan dito sa Taytay. Ang pagtatalaga ng ating simbahan bilang Basilika Menor ay pagkilala ni Papa Francisco sa marubdob niyong pananalig at pamamanata dito sa Taytay. Palakpakan natin ang Diyos at si San Juan Bautista! (let people applaud)
Mga kapatid, pagnilayan natin ngayon ang mga pagbasa. Dalawang mahahalagang aral ang mapupulot natin: pagpapadaloy ng biyaya at pagpapatotoo kay Hesus.
Una ay pagpapadaloy ng biyaya. Sa Unang Pagbasa, inilarawan sa aklat ni Propeta Ezekiel ang pangako ng Diyos para sa isang bagong templo sa Jerusalem. Sa templong ito, bumubukal, dumadaloy, at umaagos ang tubig, kaya naman ito ay buháy na buháy, at pinamamahayan ng samu’t saring isda. Ang pagdaloy ng tubig ay sagisag ng pagdaloy ng búhay at pagdaloy ng biyaya. Kailangang dumaloy ang tubig upang magtaglay ito ng buhay. Kapag ang tubig ay hindi dumadaloy, mapapanis ito, at hindi na makapagtaglay ng búhay. Gayun din ang biyaya; hindi ito dapat ipinagdadamot o itinatambay sa sarili. Kailangan nitong umagos, dumaloy, at magbigay-buhay sa lahat.
Ang pagdaloy ng tubig ay isa ring mahalagang karanasan para sa kay San Juan. Sa umaagos na Ilog Jordan, nangaral siya ng pagtalikod sa kasamaan at pagbabalik-loob sa Diyos. At doon din sa Ilog Jordan, tinagpo siya ni Hesus at nagpabinyag sa kanya. Si Juan ang naglublob kay Hesus sa dumadaloy na tubig ng Jordan. Waring sinasabi ni Hesus sa kanya, “Juan, aking pinsan at aking kaibigan, padaluyin mo sa akin ang tubig, ang biyaya ng pagmamahal ng Ama, ang biyaya ng misyon.”
Kaya naman, mga kapatid, katulad ng buháy na tubig sa templo ng Diyos, katulad ng dumadaloy na tubig sa Ilog Jordan, ang basilikang ito ay maging daan nawa ng pagdaloy ng buhay at biyaya. Padaluyin natin ang awa at pagmamahal ng Diyos sa isa’t isa. Sa halip na maging gánid at madamot, maging daan tayo upang umagos ang biyaya mula sa Diyos patungo sa kapwa. Ihatid natin ang biyaya at pagmamahal ni Kristo sa bawat isa. Maging daan tayo ng pagpapadaloy ng biyaya.
Ang ikalawang aral naman ay pagpapatotoo kay Hesus. Sabi ni San Juan, siya daw ang “friend of the bridegroom” o “kaibigan ng lalaking ikakasal” para sa Mesias (Jn 3:29). Kumbaga, sa salita natin ngayon, kung si Hesus ang “groom”, si Juan Bautista naman ang “best man” dahil siya ang “best friend” ni Hesus. Siya ang pinakamatalik na kaibigan ni Hesus.
Anong uring kaibigan si Apo San Juan? Siya ay kaibigan sa katotohanan. Mahalagang katangian ng pagkakaibigan ang pagiging makatotohanan. Ang dalawang tao ay matatawag lamang na magkaibigan kung sila’y naging totoo na sa isa’t isa. Kung may paglolokohan o pagtataguan pa sila, hindi pa sila totoong magkaibigan. Kaya nga’t sa salitang “katotohanan”, nakapaloob ang salitang “katoto”, sapagkat ang isang kaibigan ay isang “ka-totoo”. Ibig sabihin, magkasama sila sa pagiging totoo. Totohanan sila sa isa’t isa, at magkasangga sila sa paglalahad ng katotohanan sa lahat.
At paano nagpatotoo si San Juan kay Hesus? Paano “nagpatotoo si Juan sa katotohanan” (Jn 5:33)? Simple lamang. Sa Ikalawang Pagbasa at sa Ebanghelyo, inamin agad ni San Juan na hindi siya ang mesiyas. Si Hesus ang mesiyas, at hindi siya. Ang misyon niya ay ituro ang Mesiyas, hindi mag-astang mesiyas. Kahit pa marami na ang namamangha at naaakit sa kagalingan ni San Juan (Jn 5:35), hindi siya nahulog sa tukso na magkunwaring mesiyas. Malinaw sa kanya ang katotohanan na “hindi siya ang liwanag” (Jn 1:8), at di bale nang siya’y maliitin upang si Hesus ang dakilain (Jn 3:30). He must increase; I must decrease. Illum oportet crescere, minui autem me.
Mga kapatid, dito sa ating bagong Basilika, tularan natin si San Juan. Huwag tayong magkunwaring mga mesiyas. Sa halip, magpatotoo tayo sa liwanag ni Hesus (Jn 1:8). Akayin natin ang ating kapwa, hindi sa sarili natin, kundi sa “Kordero ng Diyos” (Jn 1:29).
Harapin nyo ngayon ang katabi nyo. Sabihin nyo sa kanya, “Hindi ako si Hesus…” (let people repeat, then pause a bit) At ngayon idugtong nyo naman, “Pero akayin natin ang isa’t isa kay Hesus…” (let people repeat, then pause a bit) Kung isasabuhay natin ang sinabi natin sa isa’t isa, tayo’y nagiging tunay na mga deboto ni San Juan. Palakpakan natin ulit ang Diyos at si San Juan Bautista! (let people applaud)
Mga kapatid, maging mga kaibigan nawa tayo ni Hesus. Katulad ni San Juan, magpatotoo tayo sa liwanag. Magpatotoo tayo sa tunay na Mesiyas. Magpatotoo tayo kay Hesus.
Pagpapadaloy ng biyaya at pagpapatotoo kay Hesus. Ito ang mga biyayang hihilingin natin sa Diyos dito sa ating Basilika ni San Juan Bautista sa Taytay. Nawa’y ipagkaloob sa atin ito ng Panginoon.
San Juan Bautista, ipanalangin mo kami. Amen. (Photo Credit: Minor Basilica and Parish of St. John the Baptist)